“Baka makikipag-away ka na naman,” tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula kinatatalungkuang giray na batalan, saglit iyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.
“Hindi ho,” paungol niyang tugon.
“Hindi ho...” Ginagad siya ng kanyang ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”
May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Pulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.
Isinaboy niya ang tubig na naa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at maghilamos.
“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto’ng pambili.”
Tumindig na siya. Nanghihimad at naghihikab na itinaas ang mahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangan na siyang lumakad. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.
Umiingit ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.
“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”
Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na gris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.
“Mam’ya, baka umuwi ka na namang... basag ang mukha.”
Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumusunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahaba ang kanyang biyas.
Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang damit nila nina Kano, Boyet, at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.
“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ang kanyang iniisip.
Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsek-beho kapag suot iyon ngunit wala naman iyang maraming kamietang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kita niya sa pag-aagwador.
Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, paan na niya ang kargahan. Tuloy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.
“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang pansinin.”
Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.
Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikioagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon iyon; basagulero. Lagi niyang iinasaisip ang mga bilin nito ngunit adya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag narinig niya ang masasakit na panunukso sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.
Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsimula ng panunukso.
“Ang itim mo, Impen,” itutukso nito.
“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad sa mga nasa gripo.
“Sino bang talaga ang tatay mo?”
“Sino pa,” isisingit I Ogor, “di si Dikyam.”
Sasambulat na ang tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.
“E, ano kung maitim?” isasagot niya.
Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon : “Tingnan mo’ng buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo’ng ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso. Namamalirong!”
Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinabi sa sarili. Negro nga siya. E, ano kung Negro? Ngunit napipikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.
Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang inabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)
“sari-sari ang nagiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”
Noong dinadala ng kanyang ina ang kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barung-barong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At iya ang napagtuunan ng sari-saring panunukso.
Natatandaan niya angmga panunuksong iyon. At mula noon, nagsisimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik, nagsuumigaw na panghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.
Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton ang mababatong daan, patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barung-barong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi, nababasa niyang isinisigaw ng mga paslit, Negro!
Napatungo na lamang siya.
Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.
Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailan man binigyan ng pagkakataongmaging kaibigan.
Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos, hindi yumuyuko kahit may pang balde ng tubig, tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.
Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis ang pagkakawit ng mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siyang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.
Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. At may isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin naman ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang lugar. AT bihira ang may poso.
Tanghali na akong makauuwi nito nausal niya habang binibilang niya sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwang ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.
Di kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging yerong medya agwa ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit, at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.
Sa pangkat na iyon ay natutok agad ang kanyang paningin kay Ogor. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti na rin iyon kahit nakabilad a araw. Pasasaan ba’t di iikli rin ang pila, nasaisip niya. Makakasahod din ako.
Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang sigaw mula sa tindahan:
“Hoy, Negro, sumilong ka baka pumuti!”
Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.
“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e baka ka masunog!”
Malakas ang narinig niyang tawanan. Ngunit hindi pa rin siya lumingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod sa balde, ngunit ang isip niya ay ang bilin ng ina, na huwag na raw niyang papansinin si Ogor. Bakit ba niya papansinin si Ogor?
Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umuusad ang pila, nararamdaman niya lalo ang init ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kanayng anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang batok at sa ibabaw ng kanyang ilong.
Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan at isinawak ang kamay sa nalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisg. May nadama siyang ginhawa. Ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdamang tila nangangalirang na naman ang kanyang batok at balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balat.
“Negro!” Napatuwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbilad. D’on ka sa lamig.”
Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakitang ngingisihan siya nito.
Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntunghininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik…
May galak na sumuusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya.
Makakasahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.
Datapuwa’t, pagkaalis ng balding hinihintay niyang mapuno, at isasahod na lamang ang a kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. SI Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatdan nito ng tubig.
“Gutom na ako! Negro,” sabi ni Ogor, “Ako muna.”
Pautos iyon. Saglit siyang hindi nakakibo. Natingnan lamang niya si22 Ogor. Iginitgit ni Ogor ang balde at kumalantog ang kanilang mga balde.
Iginitgit niya ang kanyang balde bahagya nga lamang at takot siya sa paggitgit. Kadarating mo pa lamang, Ogor nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a.
“Ako muna sabi, e.” giit ni Ogor.
Bantulot niyang binawi ang balde. Nakatingin pa rin si Ogor. Itinaob niya ang kakaunting nasahod ng balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabot sa mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.
“Ano pa bang ibinubulong mo?”
Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanyang kanang pisngi sa labi ng nabitiwang balde. Napasigaw siya. Napaluhod siya sa madulas na semento, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi.
Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa… Mapula… Dugo!
Nanghihlakbot siya. Sa loob ng ilang saglit hindi na niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.
"O…gor … O …gor” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakes ay naisigaw niya.
Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagkakasigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng balding lalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga pang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.
Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakakaakma ang mga bisig.
“Ogor”
Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumulas ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw siya. Umiiyak siyang gumulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.
Matagal din bago napawi ang paninigas sa kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanayng mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.
Si… Ogor. Sa mula’t mula pa’t itinuturing na siya nitong kaaway. Bakit siya ginaganoon ni Ogor? Bakit? Bakit?
Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.
Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulong-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sunod-sunod niya Dagok, dagok, dagok, dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka…papatay.
Sa pook na iyon, sa nakakarimarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Maruming babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak . At siya, isang maitim, hamak na Negro… Papatayin niya si Ogor… papatayin. Papatayin.
Dagok. Dagok, dagok… Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok, Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya sa araw. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa ngunit wala siyang nararamdamang sakit!
Nakakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano… si Boyet… Si Diding… at siya… Negro, Negro, Negro!
Sa mga dagok ni Ogor tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos- lakas at nag-uumuti siyang umigtad. Dagok, dagok, bayo, bayo, dagok, bao… kahit saan. Sa mukha.. Dagok, dagok, dagok, dagok…
Mahinana si Ogor. Lupaypay na. Nalaglag na ang nagsasangang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo…
Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.
“Impen…”
Muli niyang itinaas ang amay. Dagok.
“I-mpen…” halos hindi na niya naririnig ang halinghing ni gor. “I-mpen, suko n-na…a-ako…s-suko na na … a-ako!”
Naibaba niya ang nakataas na kama. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abut-abot ang paghingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likd. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.
Maraming sandaling walang nangahas na magsalita. Walang nakakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.
Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga it. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi./
Pinangingimian siya!
May luha siya sa mga mata ngunitmay galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagud niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay, ang tatag… ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.
Sa matinding sikat ng araw. Tila siya isang mandirigmang sugatan ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagiang larangan.